‘Karen’ lumakas pa

MANILA, Philippines - Lalo pang lumakas ang bagyong Karen habang papalapit sa Bicol Region.
Bunga nito, nakataas ang signal no. 2 sa lalawigan ng Catanduanes, Camarines Sur at Camarines Norte.
Signal no. 1 naman sa Albay, Sorsogon, Quezon kasama na ang Polillo Island, Aurora, Isabela, Quirino, Laguna, Rizal, Marinduque, Ticao at Burias Island gayundin sa Masbate, Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga, Cavite, Batangas, Northern Samar kasama ang Metro Manila.
Ngayong weekend, ayon sa PAGASA, asahan na ang masungit panahon na may malakas na ulan sa nabanggit na lugar.
Alas-5 ng hapon kahapon, si Karen ay namataan sa layong 205 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes na may lakas ng hangin na umaabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso na aabot sa 140 kilometro bawat oras.
Si Karen ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 9 kilometro bawat oras.
Kahapon, buong araw na dumanas ng malakas na pag-ulan ang Bicol gayundin sa Eastern Visayas at Samar at higit pang lalakas ang pag-ulan sa Bicol oras na mag-landfall si Karen sa Linggo sa Daet, Camarines Norte, titigil sa Aurora at saka tatawid sa Central Luzon.
Makakaranas din ng malakas na pag-ulan ngayong Sabado ang silangang bahagi ng Luzon kasama ang Bicol at Eastern Visayas at ang buong Luzon ay makakaranas ng pag-ulan kasama ang Metro Manila dahil sa pagdaan ng sentro ng bagyo sa Central Luzon.
Linggo ng gabi ay inaasahang si Karen ay palabas na ng Philippine Area of Responsibility.
- Latest
























