Social media ban sa menor, sasalang na sa bicam
MANILA, Philippines — Isasalang na sa Bicameral Conference Committee ang panukalang batas na nagbabawal sa paggamit ng social media ng mga menor-de-edad matapos itong maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara at Senado.
Ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, hinihintay na lamang ang pagpupulong ng bicam upang pagtugmain ang magkaibang bersyon ng panukala bago ito isumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa lagda.
Nakasentro ang pagkakaiba ng dalawang bersyon sa itinakdang edad ng mga papayagang gumamit ng social media. Sa bersyon ng Kamara, ipinagbabawal ito sa mga edad 13 pababa, habang sa Senado ay para lamang sa mga 18 taong gulang pataas ang pahihintulutang magkaroon ng social media account.
Sinabi ni Acidre na mahalagang maipasa agad ang panukala upang maprotektahan ang kabataan laban sa fake news, disinformation, online predators, groomers at iba pang mapanganib na aktibidad sa internet.
Iginiit din niya na mas praktikal ang panukala ng Kamara dahil nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga kabataan na matutunan ang responsable at ligtas na paggamit ng social media sa ilalim ng wastong paggabay ng mga magulang at nakatatanda.
- Latest

















