^

Bansa

30 Pinoy sa Russia, isinasabak sa giyera! - Tulfo

Ludy Bermudo, Malou Escudero - Pilipino Star Ngayon
30 Pinoy sa Russia, isinasabak sa giyera! - Tulfo
Nakipag-ugnayan si Sen. Raffy Tulfo kay Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac kaugnay sa ginagawang hakbang ng gobyerno sa kaso ng 30 Pinoy sa Russia.

MANILA, Philippines — Nanawagan si Sen. Raffy Tulfo sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na agarang aksyunan ang kalagayan ng 30 Pilipinong nasa Russia na umano’y nalinlang sa pangakong trabaho ngunit ngayo’y sumasailalim na sa military training.

Nag-ugat ito sa kumakalat na video sa social media kung saan nagpasaklolo ang mga Pilipino kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay Tulfo matapos umanong marekrut para sa trabaho bilang cleaner at construction worker ngunit natuklasang isinasailalim sila sa pagsasanay bilang mga sundalong maaaring ipadala sa giyera.

Ayon sa tanggapan ni Tulfo, agad silang nakipag-ugnayan kina Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac at Undersecretary for Licensing and Anti-Trafficking in Persons Atty. Darlene Pajarito upang alamin ang ginagawang hakbang ng pamahalaan.

Sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan na ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND) upang beripikahin ang lokasyon at kalagayan ng mga Pilipinong nasa video at matiyak ang kanilang kaligtasan.

Patuloy ring iniimbestigahan ng mga ahensya kung may trafficking syndicate o grupong mersenaryo na nasa likod ng recruitment.

Ayon naman kay Pajarito, may ulat na isa umanong Pilipino ang nasawi, ngunit hindi pa ito nakukumpirma at patuloy pang bineberipika ng kanilang tanggapan.

Sinabi rin ni Tulfo na sinusubaybayan ng kanyang opisina ang pinagmulan ng viral ­video upang makontak ang mga biktima at mapabilis ang kanilang pagsagip.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang DMW sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa case build-up laban sa mga recruiters na sangkot sa naturang operasyon. Naglabas na rin ng babala ang ahensya laban sa mga kahalintulad na recruitment scheme patungong Russia.

Una rito, isang misis ng isa sa mga recruit ang humingi rin ng saklolo sa social media at ibinahagi ang video na ipinadala umano sa kanya ng kanyang asawa noong Nobyembre 26 bago magsimula ang kanilang military training.

Ayon sa ginang, nagmula ang video sa naunang batch ng mga Pilipinong nakatapos na ng military training sa Russia. Aniya, na­ngangamba ang kanyang mister at mga kasamahan na isasabak din sila sa giyera kapag natapos ang kanilang training.

Sinabi pa niya na kabilang ang kanyang asawa sa ikaanim na batch ng mga na-recruit matapos mahikayat sa pangakong P180,000 buwanang sahod at P400,000 signing bonus.

Dahil dito, muling nagbabala ang DMW sa publiko laban sa mga mapanlinlang na alok na trabaho na nauuwi umano sa military combat duty at posibleng human trafficking.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with