Carmelle pinuri sa tagumpay sa Eurovision Asia

MANILA, Philippines — Naghain ng resolusyon si Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel “Javi” Benitez upang kilalanin ang Filipina singer na si Carmelle Collado matapos nitong magwagi sa Eurovision Song Contest Asia sa Bangkok, Thailand.
Sa House Resolution No. 1625, sinabi ni Benitez na ipinakita ni Collado ang husay at kakayahan ng mga Pilipinong musikero na makipagsabayan sa pandaigdigang entablado.
Nasungkit ni Collado ang korona sa pamamagitan ng kantang “Sobra-Sobra,” na nagtataguyod ng lakas at pagpapahalaga sa sarili ng kababaihan. Nagtala siya ng 211 puntos upang talunin ang mga kinatawan ng 11 bansa sa Asya.
Ayon kay Benitez, ang tagumpay ni Collado ay patunay ng kahalagahan ng pagsuporta sa talento at paglahok ng mga Filipino artist sa mga internasyonal na kompetisyon.
Ibinatay ni Benitez ang pagkilala kay Collado sa Article XIV, Sections 14 at 15 ng 1987 Constitution, na nag-uutos sa Estado na isulong ang pambansang kulturang Filipino at suportahan ang mga likhang-sining ng mga Pilipino.
- Latest
















