Kapwa akusado ni Romualdez sumuko
Binigyan ng conditional immunity
MANILA, Philippines — Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kapwa akusado sa plunder ni dating House Speaker Martin Romualdez na si Felicito Guevarra, ayon sa Office of the Ombudsman nitong Biyernes.
Si Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange, ay binigyan conditional immunity ng Ombudsman sa ilalim ng Section 17 ng Republic Act No. 6770, dahil kailangan umano ang kanyang testimonya at mga rekord para malaman ang katotohanan sa kaso. Nakadepende ang immunity sa mahigpit na kondisyon, kabilang ang buo at tapat niyang pagtestigo.
Sa pamamagitan ng Samchan Foreign Exchange, ibinalik ni Guevarra sa Bureau of the Treasury ang kinita mula sa umano’y kaduda-dudang transaksyon. Nilinaw ng Ombudsman na ang pagbabalik ng pera ay hindi nagbubura ng criminal liability at hindi ito ang dahilan kaya siya binigyan ng immunity.
Nakikipag-ugnayan ang Ombudsman sa NBI at sa Department of Justice sa buong proseso habang magpapatuloy lang ang proceedings sa iba pang kapwa akusado.
Kasama si Guevarra sa mga kinasuhan ng P7.44 bilyong plunder sa Sandiganbayan Third Division, kung saan co-accused sina Romualdez at aide nitong si Joselyn Serenio, at dating Ako Bicol partylist representative Zaldy Co.
- Latest


















