Roadsafe Philippines, pabor kay San Luis sa LTO

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta ang Roadsafe Philippines sa posibleng pagkakatalaga kay Atty. Noreen San Luis bilang bagong hepe ng Land Transportation Office (LTO) sa gitna ng mga usapin tungkol sa posibleng pagbabago ng liderato sa ahensiya.
Ayon sa grupo, malawak ang karanasan ni San Luis sa LTO bilang dating regional director ng Bicol, Calabarzon at National Capital Region. Naging bahagi rin siya ng mga programang nagtataguyod ng road safety, kabilang ang Students Today, Road Users Tomorrow (STRUT) at pagsusulong ng Single Ticketing System.
Lumutang ang panawagan para sa pagbabago sa pamunuan ng LTO kasunod ng mga reklamo hinggil sa mga problema sa sistema, kabilang ang madalas na pagkakaantala ng online services na nakaaapekto sa rehistro ng sasakyan at pag-renew ng driver’s license.
Si San Luis, isang Career Executive Service Officer (CESO) Rank V, ay kinilala rin bilang isa sa Ten Outstanding Women in Law Enforcement and National Security noong 2019 dahil sa kanyang ambag sa road safety at pampublikong serbisyo.
Samantala, ipinakita ng datos ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na kabilang ang LTO sa mga ahensiyang nakatatanggap ng maraming reklamo mula sa publiko, karamihan ay may kaugnayan sa mabagal na pagproseso ng transaksyon at iba pang serbisyo.
Ayon sa Roadsafe Philippines, mahalagang mapili ang isang lider na may malinis na rekord, sapat na karanasan at kakayahang maibalik ang tiwala ng publiko sa LTO.
- Latest















