Grade 10, sinaksak ng kapwa estudyante

Pangasinan, Philippines — Sugatan ang isang 15-anyos na Grade 10 estudyante matapos saksakin sa likod gamit ang basag na bote ng softdrinks ng isang 18-anyos na kapwa estudyante sa Alvear Street, Barangay Poblacion, Lingayen, nitong Huwebes ng hapon, Nov. 5.
Ayon sa pulisya, pauwi na ang biktima kasama ang tatlo pang kaklase dakong alas-4 ng hapon nang biglang lapitan at atakihin ng suspek.
Isang beses umanong sinaksak sa likod ang biktima bago tumakas ang suspek patungong karatig-bayan ng Binmaley.
Tinangka ng mga saksi na habulin ang suspek, ngunit hindi na ito naabutan. Kaagad nilang isinugod ang biktima sa Lingayen District Hospital para sa paunang lunas bago inilipat sa isang ospital sa San Carlos City para sa karagdagang gamutan.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ng pulisya na may matagal nang personal na alitan ang suspek at isa sa mga saksi.
Gayunman, hindi pa matukoy kung may kaugnayan ito sa pananaksak. Narekober naman ng mga pulis ang suspek sa kanyang bahay matapos ang follow-up operation, habang patuloy ang paghahanap sa basag na boteng ginamit sa krimen.
Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa guardian ng biktima at sa Lingayen Municipal Social Welfare and Development Office dahil menor- de-edad ang biktima.
- Latest
















