^

Punto Mo

Gibo Teodoro - Huwag isuko ang yaman ng Pilipinas!

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

Hindi basta nagbabato ng salita si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. nang balaan niya ang bansa na maaaring ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino ang mawalan ng karapatang makinabang sa yaman ng West Philippine Sea (WPS) kung hindi natin ito ipagtatanggol ngayon.

Malinaw ang mensahe ni Gibo hindi puwedeng nakatunganga lang ang Pilipinas habang unti-unting nasasagasaan ang karapatan nito sa sariling karagatan. Habang ang mga mangingisdang Pilipino ay naghahanapbuhay sa laot, may mga dayuhang barkong nanggigipit at nang­ha-harass sa kanila. Ang masakit, sariling kababayan natin ang kailangang magtiis sa takot at pangamba sa lugar na dapat nilang malayang mapakinabangan.

Sa paninindigan ni Teodoro, hindi lang simpleng usapin ng teritoryo ang WPS. Usapin ito ng kabuhayan, seguridad at kinabukasan ng sambayanan. Saklaw ng ating Exclusive Economic Zone o EEZ ang mga yamang-dagat at posibleng reserba ng langis at natural gas na maaaring makatulong sa ekonomiya ng bansa.

Kung pababayaan natin ito, hindi lang isda ang mawawala sa ating mga hapag. Posible ring ibang bansa ang makinabang sa likas-yamang dapat sana’y para sa mamamayang Pilipino.

Kaya mahalaga ang babala ni Gibo. Ipinapaalala niya na ang pagtatanggol sa WPS ay hindi dapat nakasalalay sa kung sino ang nakaupo sa Malacañang o kung sino ang namumuno sa Department of National Defense. Responsibilidad ito ng buong bansa.

Pero kasabay ng kanyang matatag na pahayag, may hamon din sa pamahalaan: paano masisiguro na hindi lang salita ang pagtatanggol sa ating karagatan? Kailangan ng konkretong suporta sa mga mangingisda, mas matibay na pagbabantay sa ating katubigan at tuluy-tuloy na diplomatikong pagkilos upang igiit ang karapatan ng Pilipinas.

Hindi naman kailangang maghanap ng gulo para ipagtanggol ang bayan. Pero hindi rin dapat maging sunud-sunuran kapag karapatan na natin ang nakataya.

Tulad ng ipinunto ni Teodoro, kung hindi natin ipaglalaban ang WPS, ibang bansa ang makikinabang. Kaya ang tanong kung hindi tayo kikilos ngayon, anong klaseng pamana ang maiiwan natin sa ating mga anak?

GIBO TEODORO

WEST PHILIPPINE SEA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with