Walang dagdag-buwis Isko ‘niligawan’ US investors
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga Amerikanong negosyante na mamuhunan sa Maynila, kasabay ng pangakong walang dagdag-buwis, mas mababang gastos at mas pinasimpleng proseso sa pagnenegosyo.
Sa pakikipagpulong sa delegasyon ng American Chamber of Commerce of the Philippines (AmCham Philippines) sa Manila City Hall kahapon, tiniyak ni Domagoso na palalakasin ng lungsod ang suporta sa mga mamumuhunan sa pamamagitan ng pagpapagaan sa mga regulasyon at pagpapatupad ng malinaw na mga patakaran.
Ibinida ng alkalde ang pagbabawas sa mga kinakailangang zoning requirement mula 22 ay naging pito na lamang, bilang bahagi ng hakbang na pabilisin ang mga proseso at gawing mas madali ang pagtatayo at pagpapatakbo ng negosyo sa lungsod.
Binigyang-diin din ni Domagoso ang kahalagahan ng transparency at pananagutan sa mga transaksiyon ng pamahalaan. Tiniyak niyang walang dagdag-buwis sa mga negosyo at bawat bayad ay may katumbas na resibo. “Kapag nagbayad ka ng isang piso, isang pisong resibo ang matatanggap mo,” aniya.
Pinuri naman ni AmCham Philippines Executive Director Ebb Hinchliffe ang naging pagpupulong at sinabing higit pa ito sa kanilang inaasahan. Ayon sa kanya, malinaw na naipakita ni Domagoso ang pagiging bukas ng Maynila sa mga lokal at dayuhang mamumuhunan. Binubuo ang AmCham Philippines ng mahigit 900 miyembro, kabilang ang mga kumpanyang Amerikano at multinational na nagpapatakbo ng negosyo sa bansa.
- Latest

















