Nabigla ba kayo sa balasahan nina Dizon at Lopez?
MAY kinalaman kaya ito sa pagkadawit ng pangalan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon kay Senator Alan Peter Cayetano? Kasi nga ay biglang inihayag ni PCO Acting Secretary Lino Cayetano ang pagpalitan nina Dizon at Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni ‘Banoy’ Lopez matapos na personal na ipag-utos ni President Ferdinand Marcos Jr., ang repormang ipaiiral sa dalawang ahensiya ng pamahalaan. Kung sabagay hindi na bago sa atin na itong si Dizon na ngayon ay DOTr Secretary ay dati nang pinangasiwaan itong ahensiya ng transportasyon ng bansa. Maraming pagbabago ang naipamalas nito sa DOTr kaya’t bukambibig ito ng karamihan na may angking galing at talino nga itong si Dizon. Di ba mga suki?
Samantalang itong si Lopez aba’y masasabi nating magaling sa pagpapatakbo ng mga proyekto sa ilalim ng administrasyon ni PBBM kaya’t inaasahan ng madlang pipol na mas lalong magiging progresibo ang mga proyekto ng DPWH at maisasalba sa nakakamuhing taguri sa bilyon-bilyong flood control project anomaly. Get nyo mga suki? Kasi nga, ayon sa pahayag ni PCO Sec. Cayetano, nais ng Pangulo ang tunay na reporma at maayos na pagpapatakbo ng naturang ahensiya. Subalit mukhang hindi kuntento itong ilan nating mga kababayan sa ura-uradang pagbalasa sa 2 opisyal dahil ayon sa mga huring-huring, may kaugnayan ito sa pagkakadawit ng pangalan ni Dizon kay Senator Cayetano. Huhuhu? Ano ba ‘yan!
Mukhang gumugulong na kasi itong mga ibinulgar ni Sen. Panfilo Lacson hinggil sa mga anomalya na mga Flood Control Project sa Taguig City at sa nakalipas na ASEAN “kaldero”. At dahil sa magaling ngang opisyal itong si Dizon, malaking kawalan para sa Marcos administration na pakawalan ito sa ere at masambot ng kabilang partido. Hehehe! Kaya’t walang ka-kurap-kurap na pinagpalit ang puwesto nina Dizon at Lopez upang mapanatili sa puwesto. Kayo na po ang bahalang maghusga dahil sabi ng ating mga kausap talagang magaling itong si Dizon sa pagganap sa kanyang tungkulin kahit na galing pa ito sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Pagdating kasi sa trabaho, gumaganap ito at walang kaplastikan na sinusuong ang masasalimuot na lugar para lamang makita ng personal ang mga kabalbalang project sa flood control ng inilubog ng mga duhapang na mga politiko, kawani ng DPWH mismo at mga contractors.
Kaya’t mga suki, huwag muna tayong maging mapaghusga sa pagbabago ng puwesto ng 2 Secretary dahil ang aabangan natin ay kung papaano nila maipamamalas sa madlang pipol ang paglinis mula sa pagka-dungis at pagkawala ng laksa-laksang datung mula sa kaban ng bayan. Abangan!
- Latest















