EDITORYAL - Ang mamahaling basketball shoes
SA impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong nakaraang linggo, naging sentro ng diskusyon ang P256,882 na credit card expense ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio para sa 24 pares ng basketball shoes.
Ayon sa testigo, binili ang mga ito bilang reward para sa youth basketball team, kasama ang ilang pares para sa mga magulang.
Madaling mauwi ang usapan sa tanong na: Sobra ba ang P256,000 para sa sapatos?
Pero hindi iyon ang pinakamahalagang punto.
Ang “mahal” at “simple” ay relative. Ang P250,000 ay maaaring malaking halaga para sa isang ordinaryong empleyado, pero maaaring normal lamang para sa taong may mataas na kita.
Kaya sa kaso ng public officials at kanilang pamilya, mas mahalagang itanong: saan nanggaling ang perang ginastos, at tugma ba ito sa kanilang lehitimong kita?
May malinaw na prinsipyo rito ang Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Nakasaad dito na ang public officials at kanilang pamilya ay dapat mamuhay nang naaayon sa kanilang posisyon at kita at iwasan ang labis na pagpapakita ng yaman.
Hindi ibig sabihin nito na bawal maging mayaman ang isang opisyal.
Hindi rin awtomatikong kahina-hinala ang mamahaling kotse, branded na damit o malaking donasyon.
Pero kung ang lifestyle o paggastos ay tila hindi tugma sa deklaradong kita, dapat lamang na magtanong.
At ang sagot ay hindi dapat manggaling sa haka-haka o ingay sa social media. Dapat itong manggaling sa financial records, deklaradong assets, source of income at iba pang ebidensiya.
Mahalaga rin ito kapag generosity ang ipinakikita. Ang pagbibigay sa atleta, simbahan o komunidad ay maaaring mabuting gawain.
Pero gaya ng ipinapakita ng mga nakaraang corruption cases, hindi nawawala ang karapatan ng publiko na itanong kung lehitimo ang pinagmulan ng perang ipinamimigay.
Sa public service, hindi ang presyo lamang ang dapat tingnan. Ang mas mahalagang tanong ay kung saan galing ang pera.
Dahil ang pagiging mapagbigay o marangya ay hindi krimen, pero ang public accountability ay hindi rin dapat mawala sa likod nang magandang dahilan. Dapat malaman ang katotohanan sa ipinamahaging mamahaling sapatos. Nararapat mabusisi ito nang maayos.
- Latest















