VP Sara: Gracioso, pera at galit sa pamilya Velasco ang motibo
MANILA, Philippines — “Pera at sama ng loob sa pamilya Velasco ang motibo ni dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr. sa mga alegasyon nito na naghatid umano siya ng pera sa bise presidente”.
Ito ang sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Martes at itinanggi ang mga pahayag ni Gracioso at sinabing may personal itong dahilan sa mga ibinunyag nito.
“Ang motibo niya ay sama ng loob sa mga Velasco at pera,” ani Duterte.
Magugunita na sinabi ni Gracioso na naghatid umano siya ng pera kay VP Duterte, kay Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ayon sa kanya ay ipinagawa sa kanya ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Bilang paglilinaw, ipinakita ni Duterte ang screenshot ng naging pag-uusap nila ni Velasco.
Makikita umano rito na ipinadala niya sa dating speaker ang screenshot ng affidavit ni Gracioso at tinanong kung sino ito.
Sinabi umano ni Velasco na dating security niya si Gracioso na nangasiwa ng party-list sa Samar.
Ayon kay Duterte, sinabi rin ni Velasco na binigyan si Gracioso ng pera para mangampanya para sa naturang party-list.
Humingi rin umano ito ng pera para sa gastusin sa ospital at pambili ng gamot.
Dagdag pa ng bise presidente, sinabi ni Velasco na inalok ng kanyang asawang si Rowena na sila na ang bahala sa mga pangangailangan ni Gracioso. Gayunman, tumanggi umano ang dating pulis at iginiit na padalhan na lamang siya ng pera.
Sinabi ni Duterte na hindi siya humingi ng permiso kay Velasco bago niya i-screenshot at ilabas sa publiko ang kanilang pag-uusap.
“May mga pahayag sa affidavit ni Gracioso at sa mensaheng pinadala sa akin ni Lord na nagpapakitang nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan kaugnay sa pera,” anang bise presidente.
Binigyang-diin naman ng bise presidente na hindi siya dapat idamay sa anumang personal na alitan sa pagitan nina Velasco at Gracioso.
- Latest




















