Empleyado, sinalpok ng motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane
MANILA, Philippines — Isang empleyado ang malubhang nasugatan nang masalpok ng motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa harap ng gusali ng establisyimento sa kahabaan ng Manila East Road sa Barangay Dolores, Taytay, Rizal, nitong Sabado ng madaling araw.
Ang biktima na isinugod sa East Avenue Medical Center Hospital ay kinilalang si Mico Joseph Claro, 27, residente ng Barangay Tatalon, Quezon City.
Nagtamo ito ng mga bali ng buto sa balakang at mga pasa na may ilang galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nananatiling under observation sa naturang ospital.
Nasakote ang driver ng motorsiklo na kinilalang si Zabdiel Joseph Mazana, 23, empleyado na sinampahan na ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injury sa Office of the Provincial Prosecutor sa Rizal Taytay.
Ayon sa testigong si Bianca Ella Olosim, 22, pamangkin ni Claro na kakagaling lang nila sa night swimming kasama ang iba pang mga pinsan at papauwi sa inuupahang apartelle upang magpahinga.
Nauna sa paglalakad ang biktima at habang tumatawid sa pedestrian lane ay nabangga siya ng motorsiklo ng suspek at tumilapon ng ilang metro.
Si Michelle Claro, 32, na tumatayong bilang complainant at kapatid ng biktima ay nagpahayag ng takot at saloobin dahil sa umano’y pakikialam at impluwensya ng mga kamag-anak ng suspek sa nasabing kaso.
Ang pamilya at mga kaanak ng suspek ay hayagang inihayag na nais nilang aregluhin ang kaso sa pamilya Claro.
- Latest


















