Yulo, Obiena at Yape bumida sa Team Philippines sa Asian Games

MANILA, Philippines — Bagama’t bigong malampasan ang apat na gold medals sa nakaraang dalawang edisyon ng Asian Games ay ilang makasaysayang pangyayari naman sa Philippine sports ang nakamit ng mga national athletes sa Aichi-Nagoya, Japan.
Unang-una na rito ang dalawang gintong medalya na inangkin ng 2024 Paris Olympic double-gold medalist Carlos Edriel Yulo sa men’s floor exercise at vault events ng men’s artistic gymnastics sa 20th Asiad na opisyal na isinara kahapon sa Nagoya City Mizuho Park Athletics Stadium.
Muli namang dinomina ni World No. 11 pole vaulter EJ Obiena ang kanyang event tampok ang pagtatala ng bagong Asiad record na 5.91-meters.
Ang ikaapat na gold ng Team Philippines ay nagmula kay taekwondo jin Jeus Gabriel Derick Yape na nagkampeon sa mixed individual virtual taekwondo event.
Bukod sa apat na golds, may siyam pang silvers at 16 bronzes ang hinakot ng Pilipinas para tumapos sa No. 17 spot sa kabuuang 46 bansang sumali sa quadrennial event.
“We’re very happy we won so many medals in so many sports. In China, we won in 11 sports. That is the big change, and that is what is important to the development of Philippine sports, particularly our grassroots program,” ani Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick “Pato” Gregorio.
Ang mga nagdagdag ng silver ay sina taekwondo jins Kurt Bryan Barbosa (men’s -58kg) at Tachiana Mangin (women’s -49kg), archer Amaya Cojuangco (women’s Individual compound), mixed martial arts fighter Jean Claude Saclag (men’s traditional 65kg), boxer Carlo Paalam (men’s 55kg), jiu-jitsu warrior Alex Enriquez (women’s -63kg), sina Kacey Dela Rosa, Kennan Ka, Amyah Espanol at Maria Pasilang ng Gilas Pilipinas (women’s 3x3 basketball) at sina sepak takraw players Nelly Jay Salon, Abegail Sinogbuhan at Jean Marie Sucalit (women’s doubles).
Ang nasabing apat na golds, siyam na silvers at 16 bronzes ang pinakamagandang performance ng mga Pinoy athletes sa kasaysayan ng Asiad matapos humakot ng pitong golds, anim na silvers at 24 bronzes noong 1962 edition sa Jakarta, Indonesia para tumapos sa No. 3 spot sa kabuuang 15 bansa.
Mas marami rin ito kumpara sa nakolektang apat na golds, dalawang silvers at 15 bronzes sa 2018 Asiad sa Palembang-Jakarta, Indonesia para sa No. 19 place at sa apat na golds, dalawang silvers at 15 bronzes sa 2022 Games sa Hangzhou, China. para sa No. 17 seat.
- Latest


















