Obiena mission accomplished sa Asiad

MANILA, Philippines — Mission accomplished si two-time Olympian EJ Obiena matapos matagumpay na madepensahan ang kaniyang korona sa Asian Games tangan ang bagong rekord sa Nagoya City Mizuho Park Athletic Stadium sa Nagoya, Japan.
Hindi alintana ni Obiena ang basang playing field dahil sa pag-uulan sa venue upang masungkit ang gintong medalya sa men’s pole vault event sa ikalawang sunod na edisyon ng Asian Games.
Maaga pa lang, sigurado na si Obiena sa gintong medalya nang makuha nito ang 5.75 metro.
Bigo ang kanyang mga karibal na malampasan ang naturang marka kung saan tanging naabot nina Chinese bets Yao Jie at Li Chenyang ay 5.70m lamang.
Kaya naman inilatag ni Obiena ang 5.91m na mas maganda kumpara sa kaniyang dating Asian Games record na 5.90m noong 2023 sa Hangzhou, China.
At matagumpay itong nakuha ni Obiena.
“A gold and a GR (games record) here in Nagoya. As athletes, we live in these moments. Moments that makes us overthink, stresses us, adrenaline pumping pressure on our backs and sometimes… just sometimes pure joy,” ani Obiena.
Nagpasalamat si Obiena sa mga kababayan nito na walang sawang sumusuporta sa kaniyang mga laban at sa mga laban ng mga atletang Pinoy sa Asian Games.
“I take these moments as a blessing. This is what keeps me going back for more. To all of the 110 million Filipinos, maraming salamat po for making these moments possible. Competing is one thing but competing for something greater, for the Philippines, is a privilege that I do not take lightly. For the country,” wika pa ni Obiena.
Magandang tagumpay ito para kay Obiena matapos ang hindi magandang kampanya nito sa 2025 season dahil sa injury at ilang aberya.
Kaya naman lubos ang saya ni Obiena na muling magbalik ang bagsik nito.
“What I felt today, it’s been a while, and to be honest I missed it. With that, I think it’s bit of a reborn that I see the sport in a much different perspective than it was, a little bit of fun and reality,” ani Obiena.
- Latest






















