Kampo ni Duterte umangal sa 92K ebidensya ng ICC prosec
MANILA, Philippines — Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Trial Chamber na limitahan ang dami ng ebidensyang isinusumite ng prosekusyon.
Sa mosyong inihain ni defense counsel Peter Haynes, hiniling nito sa Trial Chamber na itakda sa 10,000 items lamang ang ebidensyang maaaring isumite ng prosekusyon hanggang o bago ang Oktubre 7.
Ayon kay Haynes, umabot sa 5,275 items ang ebidensyang isinumite ng prosekusyon noong confirmation phase. Gayunman, sa kabila ng kahilingan ng Trial Chamber na panatilihing masinsin at limitado ang case record, lumobo umano ito sa 62,130 items, o halos 978 porsiyentong pagtaas.
Iginiit ng abogado na wala umanong kakayahan ang depensa na masuri at mabasa ang napakaraming ebidensya bago magsimula ang paglilitis.
Aniya, tatlong buwan bago ang nakatakdang trial lamang ipinaalam sa depensa ang napakalaking dami ng mga dokumento at materyales, bagay na aniya’y nakaaapekto sa karapatan ni Duterte na magkaroon ng sapat na panahon upang ihanda ang kanyang depensa.
Tinawag din ni Haynes na “abysmal” o napakasama ang kalidad ng marami sa mga idinagdag na ebidensya ng prosekusyon.
Pinuna rin niya na nakatakda sa Oktubre 30 ang deadline ng pagsusumite ng pre-trial brief ng depensa, samantalang magsisimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.
- Latest























