Mary Jane Veloso kapiling na pamilya

MANILA, Philippines — Puno ng emosyon ang muling pagsasama ni Mary Jane Veloso at ng kanyang pamilya matapos siyang makalaya mula sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City nitong madaling araw ng Sabado, kasunod ng paggawad sa kanya ng absolute pardon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mula pa sa Nueva Ecija ay bumiyahe sakay ng puting coaster ang mga kaanak ni Veloso, kabilang ang kanyang dalawang anak, inang si Celia, at amang si Cesar, upang salubungin siya sa kanyang paglaya.
Kitang-kita ang pananabik, iyakan at mahigpit na yakapan sa muling pagkikita ng pamilya. Nakasuot ng puting t-shirt at pantalon si Mary Jane, na naghihintay sa labas ng CIW kasama ang mga tauhan ng Bureau of Corrections.
Hindi umano makapaniwala si Mary Jane at maging ang kanyang mga magulang na tuluyan na siyang nakalaya.
“Ako rin, hindi makapaniwala. Hindi ako makapaniwala. Hindi ako makapaniwala. Pero mabait ang Lord. Mabait ang Panginoon,” ani Mary Jane habang mahigpit na niyayakap at hinahalikan ang kanyang ina.
Sumagot naman si Celia: “’Di ako makapaniwala talaga, anak. Dito ka na sa tabi ko ngayon.”
Sa kanilang pag-uusap, nangako ang mag-ina na aalagaan ang isa’t isa ngayong malaya na si Mary Jane. Ipinangako pa ng kanyang ina na ipagluluto siya ng paborito nitong inihaw na bituka ng manok.
Matatandaang mahigit 15 taon na nakulong si Mary Jane sa Indonesia matapos mahatulan sa kasong may kaugnayan sa droga at malagay sa death row. Sa pamamagitan ng kasunduan ng gobyerno ng Pilipinas at Indonesia, nailipat siya sa kustodiya ng Pilipinas noong Disyembre 2024.
- Latest

















