Prosec umaasang sisipot si Baste sa impeachment court
MANILA, Philippines — Umaasa ang House prosecution panel na tatalima si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa subpoena na inilabas ng Senate impeachment court at haharap bilang testigo sa paglilitis.
Ito ang sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nang tanungin kung nagbigay na ng kumpirmasyon si Mayor Baste kaugnay ng kanyang pagdalo sa pagdinig.
Ayon kay Adiong, hihingan ng testimonya si Mayor Baste hinggil sa procurement ng Davao City mula sa isang kumpanyang nakalista umano sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte.
“Being a public servant, and a mayor at that, he understands, I believe, the subpoena power of the Senate,” saad ni Adiong.
Aniya, nakasalalay kay Mayor Baste kung dadalo siya o hindi, ngunit nananatiling may bisa ang subpoena na inilabas ng impeachment court.
Sinabi rin ni Adiong na balak ng prosecution panel na ideklara si Mayor Baste bilang isang “hostile witness,” ngunit kinakailangan pa itong aprubahan ng Senate impeachment court.
- Latest
























