La Viña: Legarda-Leviste case, ‘Political Persecution’
MANILA, Philippines — Pulitika at hindi ebidensiya ang nagtutulak sa kaso laban kay Senadora Loren Legarda at anak niyang si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, ayon kay Atty. Tony La Viña, tagapagsalita ng senadora.
Giit ni La Viña, matapos ang masusing pagsusuri, walang nakitang ilegal na ginawa ang mag-ina kaugnay sa negosyo ng solar energy.
“Kung mayroon mang kakaiba sa ginawa ni Leandro, iyon ay ang kanyang pagiging makabago at maparaan bilang negosyante. Hindi iyon dapat parusahan,” aniya.
Binigyang-diin niyang nasa preliminary investigation pa lamang ang usapin at wala pang pormal na kasong isinampa. Gayunman, ang mga pahayag ng Ombudsman ay tila nagpapahiwatig na may pananagutan na ang mag-ina.
Ayon kay La Viña, walang pagmamay-ari o papel si Legarda sa mga kumpanya ni Leviste, at ang pagiging ina ng kongresista ay hindi sapat na batayan upang siya ay maakusahan.
“Ang pananagutan ay dapat nakabatay sa personal na ginawa ng tao, hindi sa relasyon o pagkakaugnay sa iba,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din niya na ang prangkisa ng Solar Para sa Bayan ay hindi eksklusibo, walang subsidyong galing sa pamahalaan, at hindi lubusang naipatupad dahil sa kakulangan ng implementing rules mula sa Department of Energy.
Dagdag pa ni La Viña, hindi krimen ang hindi agad na nagtagumpay na business model. Aniya, nakapag-ambag pa rin si Leviste sa renewable energy mix ng bansa at ang kanyang paninindigan laban sa korapsyon ang dahilan ng mas matinding pagsisiyasat laban sa kanya.
Tinawag niyang moral na tungkulin ang ipagtanggol si Legarda, at iginiit na malinaw na political persecution ang kasong kinahaharap ng mag-ina.
- Latest



















