Binawi ang job offer, puwede bang ireklamo?
Dear Attorney,
Nagbitiw ako sa dati kong trabaho dahil tinanggap ko na ang job offer ng isang kompanya. Ngunit bago pa ako makapasok sa trabaho ay bigla nilang binawi ang alok at sinabing hindi na ako tatanggapin. Puwede po ba akong magsampa ng illegal dismissal case kahit hindi pa ako nakakapagsimula sa trabaho? — Danilo
Dear Danilo,
Puwede kang magsampa ng kaso. Ayon sa Supreme Court sa kasong Aragones v. Alltech Biotechnology Corporation (G.R. No. 251736, 2 April 2025), masasabing may kontrata na ang employer at empleyado kung tinanggap na ng huli ang job offer at nagkasundo na ang dalawang panig sa mahahalagang detalye ukol sa alok na trabaho, kahit hindi pa nagsisimula ang aktuwal na pagtatrabaho ng empleyado.
Katulad ng sitwasyon mo, napirmahan na ng aplikante sa nasabing kaso ang offer letter pero hindi pa siya nakakapagsimula sa trabaho. Ayon sa Korte Suprema, nang biglang bawiin ng kompanya ang alok na trabaho bago dumating ang start date ng aplikante, mayroon nang employer-employee relationship kaya masasabing ang pagbawi sa job offer ay paraan ng illegal dismissal.
Dagdag pa ng Korte, ang petsa ng pagsisimula ng trabaho ay hindi dapat ituring na hadlang sa pagkakaroon ng bisa ng kontrata. Iyon ay nagsisilbi lamang bilang takdang panahon kung kailan magiging demandable na ang obligasyon ng bawat panig. Ang kontrata ay umiiral mula sa oras ng pagtanggap ng alok, at anumang unilateral na pagbawi ng employer nang walang sapat na batayan ay paglabag sa batas.
Base sa kaso, malinaw sa iyong sitwasyon na ang pagbawi ng job offer na tinanggap mo na ay maaaring ituring na illegal dismissal. Ang batas ay nagbibigay-proteksiyon sa mga manggagawang umasa at kumilos batay sa alok na trabaho. Kaya mahalagang tandaan ng mga employer na hindi dapat basta-basta ang pag-aalok ng job offer dahil ito ay isang legal na obligasyon na kailangang tuparin sa sandaling tanggapin ng aplikante.
- Latest















