Solon sa DOJ: Maglabas ng update sa kaso ng pinaslang na magsasaka sa Samar

MANILA, Philippines — Humingi ng update si Samar First District Rep. Stephen James T. Tan sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng nakabinbing Motion for Reconsideration (MR) na inihain ni dating Army Colonel Emilio Zosa sa kaso ng pagpatay sa magsasakang si Enrique Manas Sr. noong 2017 sa Sta. Margarita, Samar.
Sa liham ni Tan kay Acting Justice Secretary Fredderick A. Vida noong Agosto 20, hiniling ng mambabatas ang paglilinaw sa kasalukuyang estado ng MR, kung naisumite na ito para sa resolusyon, at kung may iba pang kinakailangang hakbang bago makapaglabas ng aksyon ang DOJ.
Nais ni Tan na malaman kung nabigyan ng kopya ng mosyon ang kampo ng mga biktima upang makapaghain ng komento, pagtutol o posisyon. Aniya, mahalaga ito sa pamilya Manas dahil sa bigat ng kasong kinasasangkutan at sa kanilang direktang interes sa proseso.
Matapos ang ilang taong pagsusuri, naglabas ang DOJ noong Enero 16, 2025 ng resolusyon na nag-uutos ng pagsasampa ng kaso laban kay Zosa at mga kasamang akusado.
Noong Marso 19, 2026 naman, natanggap na umano ng korte ang Information laban sa mga akusado, ngunit wala pang inilalabas na pampublikong resolusyon ang DOJ sa MR ni Zosa.
- Latest


















