OCD naghahanda na sa bagong bagyo, habagat
MANILA, Philippines — Naghahanda na ang Office of Civil Defense (OCD) sa posibleng matitinding mga pag-ulan na mararanasan sa banta ng panibagong bagyo na papalakasin pa ng habagat.
Ayon kay OCD Deputy Administrator for Operations Assistant Secretary Rafaelito Alejandro IV, masusing mino-monitor ng ahensiya ang posibleng epekto ng bagyo na may internasyonal na pangalang Saudel o Obet sa pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) at ng southwest monsoon o habagat na magpapaulan sa kanluran at hilagang Luzon.
Base sa abiso ng weather bureau ay apektado rin sa mga pag-ulan ang National Capital Region (NCR) na inaasahan ang mga pagbaha.
Base sa update ng OCD nitong Lunes ang epekto ng Tropical Cyclones Luis, Maymay at Neneng kasama na ang habagat ay nakaapekto na sa umaabot sa 2.2 milyong pamilya o 7.5 milyong katao sa 10 rehiyon.
Ayon kay Alejandro ang epekto ng habagat ay magsisimula ng maramdaman nitong Lunes o kaya naman ay sa Martes, Agosto 25 na makaaapekto sa mga lugar na dumanas ng matinding mga pag-ulan nitong mga nakalipas na linggo.
Inihayag nito na dahilan malambot na ang lupa ay posibleng magdulot ito ng landslide habang panibagong mga pagbaha na naman ang inaasahan.
- Latest
















