TRO kontra BSKE postponement, hinirit sa SC

MANILA, Philippines — Ideklarang labag sa Konstitusyon ang Republic Act No. 12326, na nagpaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Nobyembre 2, 2026 patungo sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028. Itinatakda rin ng batas na kada limang taon na ang susunod na BSKE.
Ito ang hiniling ng election lawyer na si Atty. Romulo B. Macalintal sa Supreme Court (SC) nang ihain nito ang petition for certiorari at prohibition online noong Setyembre 27.
Hiniling niya sa SC na maglabas ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order (SQAO) para pigilan ang pagpapatupad ng RA 12326.
Hiniling din niya na utusan ang Commission on Elections (Comelec) na ipagpatuloy ang paghahanda para sa halalan noong Nobyembre 2, 2026, kabilang ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC).
Kung hindi na umano maisasagawa ang halalan sa nasabing petsa dahil sa kakulangan ng oras, nais niyang magtakda ang SC ng petsang malapit dito.
Dahil nasa month-long decision-writing period ang SC hanggang Setyembre 30, hiniling ni Macalintal ang special raffle at agarang aksyon sa kanyang mga kahilingan para sa injunctive relief.
Ayon kay Macalintal, ang unang pagpapaliban sa BSKE mula Disyembre 2025 patungong Nobyembre 2026 ay nagbigay na ng isang taong dagdag sa termino ng mga incumbent official. Sa bagong batas, madadagdagan pa umano ito ng dalawang taon.
Iginiit ni Macalintal na bagama’t maaaring itakda ng Kongreso ang termino ng mga opisyal, hindi umano nito maaa?ing gamitin ang kapangyarihang iyon upang palawigin ang termino ng kasalukuyang mga opisyal o ipagpaliban nang hindi makatwiran ang halalan.
- Latest
















