Pulis nasagasaan ng rider na tumakas sa checkpoint
MANILA, Philippines — Naospital ang isang pulis matapos masagasaan ng rider na tumatakas sa checkpoint sa Marikina City noong Huwebes.
Dahil sa pangyayari, ang arestadong suspek na si alyas “MJ”, 21, ay nahaharap sa kasong Direct Assault at Resistance and Disobedience to a Person in Authority, bukod pa inisyung traffic citation tickets dahil sa Reckless Driving at pagmamaneho ng walang safety helmet.
Ayon sa ulat, dakong alas-2:35 ng madaling araw ng Agosto 20, 2026 nang sitahin ang suspek ng mga tauhan ng Fortune Police Sub-Station 7, dahil walang suot na helmet gayundin ang kanyang angkas sa harap ng gasoline station, sa Fortune Avenue, Brgy. Fortune, Marikina City.
Sa halip na huminto ay humarurot ang suspek upang takasan ang police checkpoint kaya nasagasaan nito ang pulis na bumagsak sa kalsada at nagtamo ng mga sugat.
Agad namang hinabol ng mga rumespondeng pulis ang tumatakas na rider, na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya ilang sandali lamang matapos ang insidente.
Nabawi mula sa suspek ang isang puting Suzuki Samurai 155 na motorsiklo na ginamit sa paggawa ng krimen. Nasa kustodiya ng pulisya ang naarestong suspek habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.
- Latest



















