Himala: nakaligtas sa naghuramentadong kalabaw! (part 2)
AKO ang mag-isang nag-aararo sa bukid ng umagang iyon dahil masama ang katawan ni Tatay. Kailangang maihanda ang bukid para makapagtanim na ng palay.
Maaga akong nagsimula para hindi abutin nang matinding init ng araw.
Bago mag-alas diyes ay nakatapos na ako ng dalawang malaking pitak.
Pagod na pagod ako. Pero mas pagod ang aking kalabaw na ginamit. Halos magbula ang bibig sa tindi ng pagod at dahil din sa init ng panahon.
Itinigil ko na ang pag-aararo.
Inaalis ko ang pagkakasingkaw ng araro sa kalabaw nang bigla akong harapin nito. Ang akala ko ay karaniwan lamang iyon. Pero naghuhuramentado na pala ang kalabaw sa matinding pagod.
Pilit kong pinakakalma ang kalabaw sa pamamagitan ng pagsaboy ng tubig mula sa inarararo kong lupa.
Pero lalong nagalit ang kalabaw.
Sa halip na kumalma, pinagwasiwasan ang araro na nakasingkaw pa.
Ang matindi, hinabol ako. Wala nang kinikilala ang kalabaw. Tumakbo ako para makaligtas sa kalabaw. Pero mas mabilis itong tumakbo.
Wala akong mapagtaguan dahil malawak ang taniman.
Hanggang maalala ko ang patron ng mga magsasaka na si San Jose. (Itutuloy)
- Latest


















