Alas Girls pinahirapan mga Chinese
MANILA, Philippines — Nasilayan ang impresibong laro ni Caera Celis kahit yumuko ang Alas Pilipinas Girls sa defending champion China, 18-25, 21-25, 13-25, sa 2026 FIVB Volleyball Girls U17 World Championship kahapon sa San Felipe, Chile.
Buong tapang na hinarap ng Alas Pilipinas Girls ang tournament favorite at World No. 1 China sa kanilang unang laro sa Pool B bagama’t natalo ay walang dapat ikahiya.
Pinamunuan ni Celis ang opensa para sa Alas Girls sa inilistang 13 points mula sa 12 attacks at isang service ace.
Pinalagan ng Alas Girls ang China sa second set nang makalamang sila ng isang puntos, 8-7, mula sa kill ni Celis at service ace ni Jhaynna Bulandres.
Pero naging matatag China kaya naman napigilan nila ang Alas Girls at masikwat ang panalo upang mahawakan ang 2-0 bentahe sa laro.
Tumikada si Xyz Rayco ng pitong puntos may limang marka si Bulandres.
- Latest















