‘White Ribbon’ march lalarga na
10K kapulisan nakabantay
MANILA, Philippines — Handang-handa na ang Philippine National Police-National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagbibigay ng seguridad sa idaraos na White Ribbon March na inorganisa ng inter-religious leaders at civil society group, ngayong araw, Hunyo 28.
Sinabi ni Police Maj. Hazel Asilo, tagapagsalita ng NCRPO, na nasa 10,000 pulis ang itinalaga sa buong Metro Manila para sa rally at wala ring na-monitor o natatanggap na anumang security threats.
Aniya, mahigpit ding babantayan ang drop-off points sa mga itinalagang lugar sa Corinthians Gate sa White Plains, Quezon City at sa Caltex Station sa Katipunan corner White Plains, upang hindi makasagabal sa trapiko, na alinsunod sa napagkasunduan.
Ang nasabing rally ay panawagan sa reporma at pananagutan ng gobyerno sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa flood control at impeachment kay Vice President Sara Duterte, korapsyon, at political dynasty, na inaasahang lalahukan ng 10,000 indibidwal.
Sisimulan ang kaganapan sa isang misa alas 12:00 ng tanghali sa EDSA Shrine bago ang prusisyon patungo sa People Power Monument.
Sinabi ni Professor David San Juan, convenor ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance, o Tama Na, na bukas para sa lahat ng nais na lumahok sa rally at hinimok na magsuot ng kulay puti. Hindi naman papayagan na magsalita ang mga pulitiko.
- Latest


















