Albayalde bibisita sa Marawi
MANILA, Philippines — Bibisitahin ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Oscar Albayalde ang lungsod ng Marawi na winasak ng digmaan matapos ang paghahasik ng terorismo ng Maute-Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Sinabi ni Albayalde na nais niyang personal na tingnan ang sitwasyon sa Marawi City at alamin ang kondisyon ng mga pulis na nakatalaga rito.
Bukod sa Marawi ay plano ring bisitahin ng bagong hepe ng pulisya ang iba pang mga himpilan ng PNP bilang bahagi ng personal na paga-accounting sa kapulisan.
Nais ni Albayalde na alamin kung 100% na nagre-report sa trabaho ang mga pulis at kung ginagawa ng mga ito ng maayos ang kanilang mga tungkulin bilang bahagi ng disiplina na ipatutupad ng kaniyang liderato.
Noong Mayo 23, 2017 ay nagkaroon ng siege sa lungsod matapos na lumusob ang Maute-ISIS at maghasik ng terorismo kung saan nasa 300 sibilyan ang hinostage.
Ang Marawi City siege na tumagal ng limang buwan ay kumitil ng buhay ng 168 security forces, 47 sibilyan at mahigit 900 Maute-ISIS.
Ang insidente ay nagbunsod sa pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng martial law sa Marawi City na pinalawig hanggang Disyembre 2018.
Patuloy ang rehabilitasyon ng sa lungsod kung saan aabot na sa P75 M ang naibubuhos na pondo para sa pagbangon ng lugar.
- Latest






















