Rafanan, sinuportahan na maging Comm. ng COMELEC
MANILA, Philippines - Suportado ng mga empleyado ng Commission on Elections (COMELEC) ang dating Law Department na si Atty. Ferdinand Rafanan para sa pagpipilian bilang susunod na commissioner ng komisyon.
Nakasaad sa sulat ng COMELEC Employees Union kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na pinamumunuan ni Mark Ramirez ay kanilang inirerekomenda si Rafanan bilang commissioner ng ahensiya.
Si Rafanan ay director ng planning division ng poll body na siyang tumatayo ngayong lead prosecutor sa election sabotage case laban kay Pampanga Congresswoman na dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating COMELEC Chairman Benjamin Abalos.
Una rito ay inirekomenda rin ng union ng mga manggagawa sa COMELEC si Atty. Alexander Pilotin, election officer mula sa Region 2 para rin sa nasabing posisyon.
Nagkaroon ng dalawang bakanteng puwesto sa Komisyon nang magretiro sina Commissioners Rene Sarmiento at Armando Velasco noong February, 2013.
Nabatid na mismong si Rafanan ay lumiham rin kay Pangulong Aquino nitong Enero para mag-aplay sa nasabing posisyon.
Kasama sa liham ni Rafanan ay ang kaniyang trabaho bilang Chairman noon ng Bids and Awards Committee na nag-award ng automated election system contract sa Smartmatic noong 2010 automated elections kung saan nakatipid ang pamahalaan ng P4.1B.
- Latest