Enrile kinasuhan sa Ombudsman
MANILA, Philippines - Patung-patong na kaso ang isinampa sa tanggapan ng Ombudsman laban kay Senate President Juan Ponce Enrile ng bagong tatag na grupong May Pag-asa kaugnay ng umano’y paglabag ng mambabatas sa Revised Penal Code of the Philippines.
Ayon kay Roel Garcia, spokesman ng grupo, nilabag umano ni Enrile ang iba’t ibang probisyon ng batas kabilang na ang Article 118 o Inciting to War or giving motives for reprisals, Article 154 o unlawful use of means of publication and unlawful utterances, at Article 229 o Revelation of Secrets by an officer dahil sa pagsisiwalat nito sa isang lihim na usapan sa pagitan ng bansang China at Pilipinas
Tinutukoy ng grupong nagpapakilalang tagapagsulong ng repormang pulitika sa bansa ang naganap na back-door negotiation nina Sen. Antonio Trillanes at matataas na opisyal ng Tsina kaugnay sa pinag-aagawang Scarborough Shoal.
Kabilang din sa kasong ikinasa kay Enrile ang paglabag sa Section 3 ng RA 3019 o Corrupt Practices of Public Officers at section 7 ng RA 6713 o Prohibited Acts and Transactions.
- Latest
- Trending