Laguna gov. dismayado sa DENR
MANILA, Philippines - Wala umanong ibang dapat sisihin sakaling libong bilang ng residente ang maapektuhan at malagay sa panganib kaugnay sa isyu ng rehabilitasyon ng Laguna Lake kundi ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ito ang sinabi kahapon ni Laguna Governor Jeorge ‘ER’ Ejercito kasabay ng pahayag ng pagkadismaya dahil sa tila patuloy na pananahimik ng DENR para ipagtanggol ang proyekto ng pagpapaganda at pagsasaayos ng Laguna Lake.
Ayon kay Ejercito, hangga’t walang ginagawang malinaw na aksiyon ang pambansang pamahalaan para maisaayos ang lawa, lalo lamang nalulubog sa kumunoy ng panganib ang mga residenteng nakatira malapit dito.
“The DENR has not questioned dredging project. We could safely assume DENR officials were aware of the urgent necessity to dredge the Lake, yet they have opted to keep their mouth shut,” sabi ni Ejercito.
Matatandaang pinahinto ng Malakanyang ang dapat sanang rehabilitasyon ng Laguna Lake sa bintang na batbat ito ng anomalya, ngunit ang DENR, sa pamamagitan ni Sec. Ramon Paje ay wala man lang maialok na alternatibong solusyon para sa kanilang lawa.
Sa nangyaring pananalanta ng bagyong Ondoy noong nakalipas na taon, karamihan sa mga bayan at lungsod ng Laguna ay nalubog sa baha dahil sa mga gabundok na basurang nakatambak sa paligid ng lawa.
Mismong ang Belgian company na Baggerwerken decloedt en Zoon N.V (BDZ) ang nasabing kinakailangan ng masinsinang pagsasaayos sa Laguna Lake para maiwasan ang posibleng trahedyang maganap sakaling may manalanta na namang bagyo. Ang proyektong ito ay suportado ng Belgian government na sila ring nagbigay ng ‘soft loan’ para sa financing.
Ang BDZ ang nasa likod ng matagumpay na dredging sa Ilog Pasig na nakumpleto bago ang dalawang buwang itinakdang petsa ng pagsasaayos nito.
- Latest
- Trending