Villar kuha ang boto ng mga Muslim
MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Nacionalista Party senatorial candidate Adel Tamano na nakasisiguro ng suporta si NP standard-bearer Senator Manny Villar mula sa mga Muslim.
Sinabi ni Tamano, isang Muslim, na sa lahat ng mga kandidatong presidente, tanging ang plano ni Villar para sa mga Muslim at sa isla ng Mindanao ang siya lamang natatangi dahil ipinapakita nito ang isang holistic approach upang maresolba ang alitan at kahirapan sa rehiyon.
“Naniniwala ako na dahil dito, kung pupunta ka sa maraming Muslim area, marami sa kanila ay para kay Villar. Kung pupunta ka sa Cotobato City, Lanao del Norte at Autonomous Region in Muslim Mindanao, marami ang sumusuporta kay Villar,” ani Tamano.
Tiniyak pa ni Tamano na makapagdadala siya ng boto hindi lamang para kay Villar kundi pati na rin sa buong NP slate.
Sinabi pa nito na ang kanilang relihiyon ang siyang dahilan ng mga Muslim para suportahan ang kapwa nila Muslim.
Sa kanyang mga talumpati, naninindigan si Villar na mareresolba lamang ang sigalot sa Mindanao kung ang mga stakeholder ay papayagang makisali sa usaping pang-kapayapaan.
Sinabi ni Villar na matutupad lamang ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao kung mareresolba ang ugat ng sigalot sa pamamagitan ng reporma sa pulitika at ekonomiya.
Kasabay nito, sinabi pa ni Villar na ang kaunlaran ng rehiyon ay nakasalalay sa epektibong pamamahala.
- Latest
- Trending