Dalagita, gulpi sarado sa 6 kaklaseng lalaki
MANILA, Philippines — Pinagtulungang gulpihin ang isang Grade 9 na babaeng estudyante ng anim niyang kaklase sa loob ng kanilang silid-aralan sa Malinao, Aklan noong Martes.
Sa salaysay ng biktima na alas-2:30 ng hapon nang iwan sila ng kanilang guro at bigyan ng aktibidad na magligpit sa klase.
Habang nagliligpit ay dito na umano siya simulang asarin ng anim na kaklase sa pamamagitan ng pagtawag sa kanya ng mga salitang “buwaya,” “bobo,” “malandi,” at kasunod ang pagbabato ng tsinelas.
Tinangka umano ng biktima na gumanti sa pamamagitan ng pagpulot at paghagis palabas ng tsinelas na ibinato sa kanya.
Ngunit bigla siyang dinumog at pinagtulungang bugbugin ng anim na lalaking kaklase kaya’t kumuha siya ng upuan upang ipagtanggol ang sarili laban sa mga ito.
Dahil sa madami ay hindi na nagawa ng biktima na makaganti sa anim na kaklase na kung saan ay nagtamo siya ng mga pasa at pananakit sa likod at ulo na nagdulot ng pagkahilo at panlalabo ng paningin.
Ayon sa biktima na hindi ito ang unang pagkakataong nakaranas siya ng bullying dahil noong Grade 8 pa lamang siya ay hinampas na rin umano siya ng upuan sa ulo na kung saan ay patuloy rin siyang umiinom ng maintenance na gamot para sa kanyang ulo.
Humihingi ng hustisya ang kanyang ina sa pamamagitan ng pagpo-post ng video ng insidente at paglapit sa pulisya ng Malinao at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi naman ng DepEd Aklan na magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa insidente.
- Latest















