Dizon: 9 paliparan, isasapribado sa 2028

MANILA, Philippines — Nakatakdang isapribado ng pamahalaan ang siyam pang paliparan sa bansa bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, plano ng ahensya na ilipat sa pribadong sektor ang operasyon ng siyam na regional airport sa pamamagitan ng solicited bidding sa ilalim ng public-private partnership (PPP) program.
Sinabi ni Dizon na makatutulong ang hakbang upang mapahusay ang pamamalakad at serbisyo sa mga paliparan.
Aniya, layunin ng administrasyong Marcos na palawakin pa ang paggamit ng PPPs bilang isa sa mga pangunahing pamana nito sa imprastraktura.
Kabilang sa mga paliparang nakatakdang isapribado ang mga nasa Davao, Siargao, at Bicol, na inaasahang maia-award sa unang bahagi ng 2027.
Bukod dito, nakatakda ring isailalim sa solicited PPP ang mga paliparan sa Iloilo, Bacolod, Puerto Princesa, Busuanga, General Santos, at Tacloban.
Nabatid na ang Iloilo Airport ay iaalok bilang isang package, habang ang limang iba pang paliparan ay pagsasama-samahin sa dalawa o tatlong bundle para sa bidding.
Una nang isinailalim ng pamahalaan sa PPP model ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Bohol-Panglao International Airport, at Bicol International Airport.
- Latest















