Damo sa Pilapil (129)
ITINABI ni Zac ang sasakyan.
Bumaba sila.
“Dito ako nasiraan nun, Love. Na-flat ang gulong ko sa unahan. Hindi ko malaman ang gagawin. Hindi ko kayang magpalit ng gulong. Wala akong alam sa pagpapalit niyon. Siguro mga 15 o 20 miniutes na akong naghihintay pero wala akong makitang tao o kaya’y sasakyan.
“Hanggang sa buhat sa malayo ay matanaw ko ang isang lalaki na nakasakay sa kalabaw. Natuwa ako dahil may hihingian na ako ng tulong. Ikaw ang lalaking iyon, Love. Hindi ka nagkait ng tulong. Agad mong pinalitan ang na-flat kong gulong. At nang bibigyan kita ng pera, tinanggihan mo. Kaya binigyan na lang kita ng calling card ko. Makaraan ang isang linggo e tinawagan mo ako.
“Akalain mo bang iyon ang magiging simula ng kuwento ng ating pag-ibig. Kaya hindi ko malilimutan ang lugar na ito. Dito nagsimula ang lahat.’’
“Pareho tayo Love, hindi ko rin malilimutan ang lugar na ito. Dito tayo nag-umpisa.’’
Hinawakan ni Zac ang palad ni Dulce. Pinisil.
Pagkaraan, tinanaw nila ang malawak na bukirin na nagkukulay-ginto na dahil nahihinog na ang mga palay. Nasamyo nila ang mabangong samyo nang nahihinog na palay.
“Naaalala ko ang sinabi ni Itay noon, Love. Sabi niya, huwag na raw akong mangarap na aasenso dahil mahirap daw mangyari iyon. Ang katulad daw namin ay damo sa pilapil. Pero sabi ko sa sarili ko, itutuwid ko ang maling paniniwala ni Itay. Patutunayan ko na ang mga damo sa pilapil ay maaari ring maging malalaki at mahuhusay na damo.’’
“Napatunayan mo na di ba Love?’’
“Oo. Walang imposible sa nagnanais umunlad. Kahit pa tinatapak-tapakang damo, maaaring bumangon at gumawa nang imposible.”
(Itutuloy)
- Latest