‘Dugo-dugo gang muling sumalakay: P4.5M natangay sa trader
MANILA, Philippines — Muling sumalakay ang mga kawatan na ‘Dugo-dugo gang’ kung saan natangayan ng nasa P4.5 milyon pera at halaga ng mga mamahaling alahas sa isang negosyanteng ginang sa Quezon City kahapon ng hapon.
Ayon sa biktimang si Margarette Jeanne Tio, 33, residente ng Brgy. Damayan Lagi, New Manila, QC, ang insidente ay naganap sa pagitan ng alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-2:00 ng hapon.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Ronnie Ereneo, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU) QCPD), isang hindi nakikilalang babae umano ang tumawag sa telepono kay Arsel Martinez, kasambahay ng biktima.
Sinabi umano ng babae na naaksidente ang kaniyang among si Martinez kaya naman inutusan ang kasambahay na wasakin ang cabinet na pinaglalagyan ng pera at mga alahas ng nasabing negosyante.
Hindi naman umano nagtanong ang kasambahay at agad na sinira ang cabinet ng kaniyang amo at inilagay sa isang bag ang pera at mga alahas saka nagtungo sa kilalang Mall sa Caloocan City, kung saan siya inutusang magpunta ng isa pang babaeng tumawag sa telepono.
Pagdating doon ay agad na kinuha ng 2 babae ang bag na hawak ng kasambahay at inutusan na itong umuwi.
Nabatid sa biktima na nasa limang buwan pa lamang nagtatrabaho sa kanyan ang nasabing katulong.
- Latest