50-80 katao kada oras inaasahang biktima ng paputok
MANILA, Philippines - Patuloy ang pagtaas ng bilang ng firecracker-related injuries, ayon sa Department of Health ngayong Martes.
Sinabi ng DOH na umabot na sa 262 ang nasaktan dahil sa paputok at sa walang habas na pagpapaputok ng baril.
Mula sa naturang bilang ay 253 ang nasugatan dahil sa pagpapaputok, isa ang nakalunok ng paputok at walo ang naitalang tinamaan ng ligaw na bala.
Karamihan ng nasugatan ng paputok ay dahil sa ipinagbabawal na "Piccolo" na hanggang ngayon ay ginagamit pa rin ng publiko sa kabila ng dala nitong panganib.
Mas mataas ang bilang ng mga sugatan ngayong pagsalubong ng 2014 kumpara noong nakaraang taon na 207 lamang.
Inaasahang aabot sa 50 hanggang 80 kada oras ang biktima ng paputok mamayang alas-6 ng gabi ng Disyembre 31 hanggang alas-6 ng umaga ng Enero 1.
- Latest
- Trending