Pangalawang Anino (322)
NAKITA nina Angela at Ariel na para lamang nakatayo si Nanette pero dinadala ng mabini na hangin.
MALAPIT na si Alona sa mangingisda na ngayon dahil sa sobrang takot ay hindi na nakakasagwan.
Pero nakakapagdasal pa rin.
“Diyos ko po, huwag ninyo akong pababayaan. Naniniwala po ako na may anghel na darating para ako ay iligtas.”
Susunggaban na ni Alona ang mangingisda, hihilahin mula sa bangka nito para sa tubig lapain.
Nang biglang humarang ang katawan ni Nanette na nakalutang pa rin sa ere.
At agad may liwanag na nagmula kay Nanette, korteng krus.
Nasilaw si Alona, hindi makayang tingnan. At para siyang sinasakal sa kinatatayuan na malapit na malapit na sa bangka ng mangingisda.
“Ano kaaaa! Sino kang humaharang sa akin! Magpakita ka! Huwag kang magtago diyan sa liwanag na iyan! Kung talagang matapang ka!”
Kumulimlim ang liwanag.
At nakita ni Alona ang tagapagligtas ng mangingisda. Nakilala niya.
“Nanette!”
“Nakakaawa ka. Dahil normal ka na tao dati. Pero tingnan mo ngayon ang itsura mo. Hindi ka ipinanganak na ganyan, ang kasamaan mo ang nagdala sa iyo sa ganyang kalagayan. Lumayo ka! Kung ayaw mong gagamitan kita ng lakas!”
Matapang si Alona. “Hindi ako natatakot sa iyo! Lalabanan kita! Baka ikaw ang magiging kawawa!”
“Ina ka pa rin ng kapatid ko sa ama. Gusto sana kitang mailigtas.”
“Hangal! Hindi namin kailangan ang tagapagligtas! Makapangyarihan kami!”
At bumuo ng puwersa si Alona sa pamamagitan ng dalawang kamay. Ibabato niya ang puwersang ito kay Nanette.
Tiyak na tatamaan din ang kawawang mangingisda na nasa bangka pa rin at nakapuwesto sa likuran ni Nanette.
Tatalsik, mamamatay. Pero sa ngayon, nagdadasal pa rin ang matandang mangingisda.
Nagpapasalamat.
“Tama ho ako, Diyos ko ... nagpadala kayo ng magliligtas sa akin. Maaring isang anghel, maari ring isang santa ... sana manalo siya laban sa kasamaan.”
- ITUTULOY
- Latest