Senatorial debate hiling sa Comelec
MANILA, Philippines – Iginiit kahapon ng isang kumakatawan sa mga kandidatong walang public exposure sa Commission on Elections na magdaos din ng “senatorial debate” upang isa-isang mapulsuhan ang bawat kandidato sa pagka-senador at matalinong makapili ang mamamayan ng tamang iluluklok sa Senado.
“Hindi dapat gawing eksklusibo sa presidente at bise presidente ang debate tungkol sa mga isyu na bumabalot sa pangkalahatang interes ng bansa at sa mamamayan” pahayag ni Fernando “Ding” Diaz na kumakandidato sa pagka-senador. Sinabi niya na pagkakataon din ito upang makilala ng taumbayan ang kakayahan maging ng mga kumakandidatong hindi kilala
Sinabi ng 55-anyos na si Diaz na ang paghimay sa mga mahalagang usapin sa pamamagitan ng pormal na balitaktakan o debate ay kailangang umabot sa antas ng mga senador na inihahalal din ng mga botante sa buong bansa.
Ang pahayag ni Diaz, na naghain kahapon ng kanyang certificate of candidacy sa pagka-senador, ay tugon sa napabalitang pagdaraos ng Comelec ng serye ng debate sa mga kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo.
Ang nasabing serye ng televised debates ay nakatakdang idaos sa pagitan ng Pebrero at April sa susunod na taon sa mga hindi pa pinangalanang lugar sa Mindanao, Visayas at Luzon para sa presidentiables at sa Metro Manila naman para sa vice presidentiables.
“Ang mga senador ang inatasan ng Saligang Batas na bumalangkas at mag-apruba ng mga panlabas na patakaran ng republika at sila rin ang katuwang ng Kamara sa pagbuo ng mga batas at alituntunin na sumasakop sa kabuuang interes ng bansa,” pahayag ni Diaz.
Dagdag nito: “Iyan po ang dahilan kung bakit hinangad ng ‘yong abang kandidato na hilingin sa Komisyon na isalang din sa pagsusuri ng mga botante ang nagnanais na maging miyembro ng Senado sapagkat ang mga senador ay aktibong kabalikat ng pangulo at pangalawang pangulo sa pagharap ng pambansang suliranin.”
“At sinomang Filipino na maghangad na maging isang onorabol na senador ng republika ay kailangang magtaglay ng malalim at makabuluhang pang-unawa sa mga isyung kinakaharap ng bansa,” pahayag pa nito.
Ayon sa kanya, “sa pamamagitan ng fully televised senatorial debates ay magkakaroon ng pagkakataon ang mga botante na mahubog ang tinawag niyang makatuwirang paghusga sa mga kandidato na siyang kailangan para sa matalinong pagpili ng kanilang iluluklok sa poder.”
- Latest



















