4 transnational drug syndicate aktibo sa Pilipinas — House panel
MANILA, Philippines — Ibinunyag ng House Committee on Dangerous Drugs na maliban sa drug syndicate na Sam Gor, apat pang transnational drug network ang aktibo at namamayagpag sa Pilipinas.
Sa briefing ng komite nitong Huwebes, sinabi ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos, kabilang dito ang mga Chinese, Chinese-Filipino drug-trafficking group, mga network ng sindikato ng droga mula West Africa, at mga organisasyong kriminal sa Mexico, kabilang ang Sinaloa Cartel.
Lumabas ang impormasyon sa briefing hinggil sa tangkang pagpapasok sa Pilipinas mula Laos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon gamit ang isang pribadong jet.
Kinumpirma rin ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez sa briefing na may alyansa rin ang Sam Gor sa limang grupong triad na kinabibilangan ng 14K Triad, Bamboo Union, Big Circle Gang, Sun Yee On at Wo Shing Wo. Pinaniniwalaang nakabase sa Hong Kong at Taiwan ang mga lider ng mga grupong ito.
Ayon kay Nerez, pangunahing sangkot ang Sam Gor sa pagpupuslit ng methamphetamine at pinaniniwalaang kontrolado nito ang tinatayang 40 hanggang 70 porsiyento ng merkado ng naturang droga sa rehiyon. Tinatayang umaabot naman sa mahigit US$17 bilyon kada taon ang kinikita nito, batay sa impormasyong iniulat.
Inilarawan sa mga pandaigdigang ulat ang Sam Gor bilang isang malaking transnasyonal na kriminal na network na sangkot sa kalakalan ng methamphetamine sa rehiyon ng Asia-Pacific. Iniugnay rin ito sa pagpupuslit ng iba pang ilegal na droga at mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng mga ito.
- Latest
















