^

True Confessions

Yaya Ruth (7)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

LINGGO. Araw ng pahinga nina Ruth at Lydia. Habang nag-aayos sa kuwarto ng mga kasambahay, napatingin si Ruth sa kasama. Napakaikli ng palda ni Lydia at hapit na hapit ang pulang blouse nito. Halos lumuwa na ang dibdib nito sa sobrang plunging ng neckline nito

Sa maputing balat sa pagitan ng dibdib ni Lydia, kapansin-pansin ang isang maliit ngunit napakaitim na nunal.

“May date ka, ‘no?” tukso ni Ruth habang naglalagay ng lip tint. “Sino? Guwardiya ba sa gate o driver sa kabilang mansyon?”

Ngumiti lang nang matamis si Lydia at hindi sumagot bago nagmadaling lumabas. Napailing si Ruth. Ang arte.

Makalipas ang isang oras, nakipagkita si Ruth kay Greg sa isang sosyal mall na malapit lang sa subdivision ng mga Marianza. Sa ilalim ng mesa ng isang coffeeshop, pasimple niyang iniabot ang iginuhit niyang floor plan ng mansyon ng mga Marianza. Kapalit noon, binigyan siya ni Greg ng isang makeup kit na may nakatagong lockpick set para sa kaha de yero.

“Kahit halughugin ko ang buong internet, walang record sa publiko ang mga Marianza, Ruth,” babala ni Greg, seryoso ang mukha. “Nakakapanghinala ang pamil­yang ‘yan. Hindi ko nga ma-search kung bakit sila mayaman. Kunin mo na lang ang pera at mga alahas nila at umalis ka na sa madaling panahon.”

Umirap si Ruth “OA naman nito. Ganun talaga kapag sobrang yaman, hindi kailangan magpapansin sa social media.” Mataray na tugon nito. Ang ayaw sa lahat ni Ruth ay pinangungunahan at pinagmamadali siya. Lalo pa ngayon na nag-eenjoy siya sa mansyon ng mga Marianza.

Kahit tinaray-tarayan ni Ruth si Greg, inihatid pa rin siya nito sakay ng motorsiklo nito. Habang na-traffic tumigil sila sa tapat ng mamahaling restaurant.

Nakaparada roon ang itim na SUV ni Sir Rafael. Bumukas ang pinto, at bumaba si Lydia—tumatawa habang marahang hinahaplos ni Rafael ang baywang nito bago iniabot ang paper bag ng isang mamahaling brand ng gadget.

Uminit ang ulo ni Ruth. Hindi lang pala siya ang naglalaro sa mansyong iyon. Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng matinding inggit at poot, dahil mukhang naunahan na siya ni Lydia kay Sir Rafael. Isa pa naman sa ayaw na ayaw ni Ruth ay inuunahan siya.

tutuloy

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with