^

True Confessions

La Viuda (23)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Umalingawngaw ang kalansing ng bakal sa ilalim ng musuleo. Dahan-dahang inangat ng isang sugatang kamay ang lihim na pinto.

Lumabas si Andres, duguan ang kaliwang bukung-bukong mula sa mabigat na kadena, at nanginginig ang buong katawan mula sa mga halamang gamot na ipinaiinom sa kanya ng espiritistang si Mang Teban. Kahit hindi na kaya ng kanyang katawan, pilit itong umakyat sa ikalawang palapag para makita ang babaing nagbibigay sa kanya ng lakas at pag-asa.

“Kristina…”

Mabilis na napatingin si Kristina sa kanya, ngunit kaagad ding napaiwas ng tingin ang dalaga patungo sa nakaladlad na kumot sa kanyang kama. Ang mismong higaan kung saan niya ibinigay ang sarili kay Ernesto noong nakaraang gabi. Bawat hibla ng kanyang katawan ay kinakain ng matinding pagkakasala at galit sa sarili.

Nang makita ni Andres ang paglayo ng tingin ng dalaga, bumagsak ang kanyang mga tuhod sa malamig na marmol.

“Patawarin mo ako, Kristina...” nanginginig at paos na pakiusap ni Andres sa pag-aakalang siya ang may kasalanan sa dalaga. “Huwag ka sanang matakot sa akin... sasabihin ko na ang totoo, hindi ako isang multo.”

Napapikit si Kristina sa matinding sakit ng kalooban. Hindi ang ito ang ikinatatakot niya, kundi ang sarili niyang pader na nagiba dahil kay Ernesto.

Dahan-dahang lumapit si Kristina at lumuhod sa tapat ng lalaki.

“Kukuha ako ng basahan at tubig upang linisin ang mga sugat sa binti mo,” sabi nito.
Nang makakuha ng basahan at tubig, nilinis nito ang sugat ni Andres. Napapikit si Andres sa ginhawa. Tumulo ang mainit na luha mula sa mga mata nito at tumama sa kamay ni Kristina.

“Hindi ako si Emilio,” pag-amin ni Andres sa gitna ng kanyang pagluha, boses na punumpuno ng pagmamakaawa at labis na kahihiyan. “Ang pangalan ko ay Andres... dinakip at iginapos ng pamilyang ito dahil lamang sa pagkakaroon ng mukhang kapareho ng namatay mong asawa. Gabi-gabi... pinipilit nila akong gumanap bilang siya.”

Napaluha si Kristina at nanlabo ang mga mata. Kahit alam na niya ang katotohanan, ang marinig ang pagtatapat mula sa mismo rito ay tuluyang dumurog sa kanyang puso.

Dahan-dahang ibinaba ni Kristina ang basahan at hinawakan nang mahigpit ang nanginginig na kamay ni Andres.

(Itutuloy)

LA VIUDA

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with