Apoy sa Balsa (31)
“HINDI mo alam kung anong pinapasok mo, Rhea,” bulong ni Kael, ngunit sa pagkakataong ito, wala nang distansya.
“Alam ko, Kael. At handa akong sumugal,” sagot niya.
Hindi na nakapagsalita si Kael. Winakasan niya ang natitirang agwat sa pagitan nila, hinawakan ang magkabilang pisngi ni Rhea, at dahan-dahang isinandal ang likod nito sa matibay na bakal na frame ng triple deck. Sa gitna ng init ng silid at sa kabila ng ingay ng mga kantiyaw sa labas, hinalikan niya si Rhea nang malalim, marubdob, at puno ng pangungulila. Wala nang boardroom, wala nang kliyente, at walang boss at messenger. Sa maliit na kuwartong iyon, tuluyan nang nagtagpo ang kanilang magkaibang mundo.
Nang maghiwalay ang kanilang mga labi, kapwa sila hingal na hingal. Tinitigan ni Kael si Rhea, bahagyang nagulo ang buhok nito at may bahid ng naburang lipstick, nakasandal pa rin sa bakal ng triple-deck bed. Sa unang pagkakataon, makikita sa mata ni Kael na wala nang bakas ng panghahamak sa kanyang sarili. Napalitan ito ng isang marahang ngiti. Ibinaba ni Kael ang kanyang kamay sa pisngi ng dalaga, dahan-dahang pinunasan ang dulo ng labi nito gamit ang kanyang hinlalaki.
“Grabe ka pala sumugal, Ma’am,” bulong niya, na may kasamang malambing na kantiyaw. Ang tawag na “Ma’am” ay tuluyan nang naging isang pribadong biro sa pagitan nilang dalawa.
Ngumiti si Rhea at yayakapin pa sana si Kael nang biglang makarinig sila ng mabibigat na yapak patungo sa kanilang pinto.
“Hoy, Kael! Buhay ka pa ba diyan?” sigaw ng isa sa mga ka-roommate niya mula sa labas, kasunod ang pag-uga ng door knob. “May kukunin lang akong charger! Sandali lang!”
Agad na nagkatinginan ang dalawa. Bahagya silang taranta.
“Sandali lang, pre!” sigaw ni Kael pabalik habang mabilis na dinadampot ang kanyang jacket, susi ng motor, at isang extra na helmet.
Binuksan ni Kael ang pinto nang bahagya, sapat lang para makalabas sila habang ginagawa niyang panangga ang sariling katawan upang iharang si Rhea sa mapangantiyaw na tingin ng kanyang mga ka-boarding house.
Nang makarating sila sa ibaba, sinalubong sila ng preskong hangin ng gabi. Agad na isinuot ni Kael ang helmet kay Rhea bago ito umangkas kanyang motorsiklo. Sa pagkakataong ito, wala nang pag-aalinlangan. Mahigpit na ipinalupot ni Rhea ang kanyang mga braso sa baywang ni Kael, isinandal ang kanyang ulo sa likod nito habang humaharurot ang motor palabas ng makikitid na eskinita patungo sa highway.
(Itutuloy)
- Latest
















