Apoy Sa Balsa (18)
“MS. RHEA? Kael? Nandiyan ba kayo?” boses iyon ng utility personnel ng ahensiya, kasunod ng pagpihit ng master key.
Mabilis pa sa kidlat na lumayo si Kael, halos tumalon pabalik sa madilim na sulok habang mabilis na isinuot muli ang kaniyang pormal na maskara. Bumukas ang pinto, at tumambad si Amanda na hawak ang ilang folder. Nagpapalit-palit ang tingin nito kay Rhea at Kael, tila may iniisip
“Hala, Mam Rhea! Nandyan lang pala kayo. Kanina pa po kayo hinahanap sa boardroom! Nandoon na po si Sir Marco at ang buong marketing team, magsisimula na po ang presentation.”
Hinihingal pa rin at namumula ang mga pisngi, pilit na inayos ni Rhea ang kaniyang nagulong blusa at buhok. “A-Ah, oo. Sige, salamat. Paakyat na.”
Bago lumabas ng bodega, lumingon si Rhea. Ngunit hindi na siya tiningnan ni Kael; nakayuko na ito at abala sa pagbubuhat ng kahon na parang walang nangyari.
***
MUNTIK nang matisod si Rhea sa kaniyang pagpasok sa boardroom. Sinalubong siya ng nakasisilaw na puting ilaw ng mga LED panel at ng malamig na hangin ng aircon, isang malupit na kaibahan sa madilim, mainit, at masikip na bodega sa basement kung saan naiwan ang kanyang katinuan.
“Late as always, Rhea. Just like our college days,” nakangiting biro ni Marco na nakaupo sa kabisera ng mahabang mesa bilang pangunahing kliyente. Natawa ang mga kasamang marketing executives, habang si Rhea naman ay pilit na nag-adjust ng kaniyang salamin, sinusubukang pakalmahin ang nagwawalang tibok ng puso.
“Pasensya na, medyo napatagal lang sa pagkuha ng archives,” sagot niya, pormal at malamig ang boses kahit pa naghahabulan pa rin ang kanyang hininga.
(Itutuloy)
- Latest




















