7 drug suspect sa P145.5 milyong shabu operations, pumuga!
PDEA-Region 9 naglunsad ng manhunt
MANILA, Philippines — Pitong drug suspect na inaresto sa itinuturing na pinakamalaking shabu operations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 9, ang nakatakas sa jail facility sa Zamboanga City kahapon ng madaling araw.
Ayon sa ulat, bumuo na ng tracker team ang PDEA-Regional Office 9 para tugisin ang mga pumugang persons deprived of liberty (PDLs) na kinilalang sina Wilson Indanan Sahiban; Junjimar Hajili Aiyob, 29; Jimmy Angeles Sahibol, 30; Kerwin Mohammad Abdilla, 41; Albadir Mala Ajijul, 28; Muhajiran Romeo Jumlah, 27, at Amil Khan Mahadali Abubasar, 26-anyos.
Sa report ng PDEA, ang pitong nasabing preso ay nakatakas sa detention facility sa Upper Calarian, Zamboanga City, bandang alas-2:45 ng madaling araw nitong Lunes.
Nagulat na lamang umano ang mga duty na jail guard nang makitang iisa na lamang ang preso mula sa nasabing piitan.
Nakita naman ang isang maliit na butas sa kisame na umano’y dinaanan ng mga tumakas na bilanggo.
Ang pitong pugante ay kabilang sa mga drug suspects na naaresto sa itinuturing na pinakamalaking huli ng shabu sa kasaysayan PDEA sa Zamboanga Peninsula matapos silang makakumpiska ng 21.4 kilong shabu na nagkakahalaga ng P145.5 milyon nitong May 3.
Katuwang ng PDEA-9 sa malakihang buy-bust operation ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at PNP-Regional Office 9.
- Latest