100K residente sa Bulacan dumanas ng rotational brownouts
MANILA, Philippines — Tinatayang mahigit 100,000 kostumer ng Manila Electric Company (Meralco) sa Bulacan ang tinatayang naapektuhan ng rotational brownout kamakalawa ng gabi, bunsod ng manipis na suplay ng kuryente sa Luzon Grid.
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, dakong alas-8:31 ng gabi nang mapilitan silang magpatupad ng manual load dropping (MLD) o rotational power interruptions na tumagal ng halos 20 minuto hanggang isang oras.
Karamihan umano ng naapektuhang kostumer ay mula sa area ng Bulacan. Kaagad rin naman aniyang naibalik ang serbisyo ng Meralco sa mga apektadong tahanan, pagsapit ng alas-10:00 ng gabi.
“The supply deficiency last night prompted Meralco to implement manual MLD that lasted around 20 minutes to an hour starting at 8:31 p.m., affecting around 100,000 customers mostly in parts of Bulacan. All services were restored by 10:00 p.m.,” ani Zaldarriaga.
Matatandaang nitong Lunes, isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon Grid sa red alert dahil sa kakulangan ng power supply, na nagresulta sa agarang pagsuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa Luzon Region.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nagdeklarang muli ang NGCP ng red at yellow alert sa Luzon grid.
Pagtiyak ni Zaldarriaga, handa silang magpatupad muli ng MLD kung kakailanganin bilang bahagi ng kanilang responsibilidad na pangasiwaan ang sistema.
- Latest