8 pulis-intel sinibak sa maling raid!
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Iniutos ni Calabarzon police director, Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas kahapon na sibakin sa puwesto ang walong intelligence police officers na pumalpak sa drug operation nang kanilang salakayin ang bahay ng maling target sa Lucena, Quezon nitong Biyernes ng madaling araw.
Ayon kay Lucas, ang mga sinibak na pulis ay naka-restrictive custody na sa Regional Headquarters Holding Accounting Section.
Inatasan na rin ni Lucas Regional Investigation and Detective Management Division na makipagkoordinasyon sa Regional Internal Affair Service para sa isasagawang administrative investigation laban sa nasabing mga pulis na hindi pa pinangalanan.
“We condemned such actions in the strongest terms and assure the public that these officers, if found guilty, will meet the full arms of laws,” pahayag ni Lucas.
Una nang sinampahan ang walong pulis ng mga kasong grave threats, unjust vexation at violation of domicile sa City Prosecutor’s Office nitong Biyernes ng hapon matapos silang arestuhin ng mga kabaro.
Sinibak din sa puwesto si Lucena police chief, Lt. Col. Reynaldo Reyes dahil sa command responsibility.
Ang pag-aresto sa walong pulis ay base sa reklamo ni Renelyn Rianzales, 52, matapos umanong biglang salakayin ang kanyang bahay ng grupo ng mga pulis sa Barangay Ransohan dakong alas-3:15 ng madaling araw noong Biyernes.
Sinabi ni Rianzales na binantaan siya ng mga pulis habang tinututukan ng baril habang naghahalughog sa kanyang tahanan.
- Latest