Korean golfer kampeon sa Philippine Open
MANILA, Philippines — Inangkin ni Song Minhyuk ng South Korea ang korona ng 108th Philippine Open na inihahandog ng Philippine Sports Commission matapos umiskor ng 265 kahapon sa Masters Course ng Manila Southwoods Golf and Country Club sa Carmona, Cavite.
Nagkasya sa par 70 sa huli at ikaapat na round subalit sumapat ang lamang na 15-under sa unang tatlong paluan para maiuwi ang $180,000 sa kabuuang $1 milyong premyo na siyang pinakamalaki sa kasaysayan ng national open bilang isa sa pinakamatandang torneo sa buong Asya.
Ito na ang ikalang Asian Tour leg win ni Song matapos masikwat ang titulo sa GS Caltex Maekyung Open sa South Korea noong Abril upang umangat sa No. 3 ng Asian Tour Order of Merit general race.
Nauna na nang kumamada ng even par sa Round 1 ang 22-anyos na si Song bago ang 10-under 60 sa Round 2 tampok ag walong birdies, isang eagle at isang ace at 5-under sa Round 3 para maghari sa 132-player, four-round, par-70 ng torneong nagsisilbing final leg ng Asian Tour.
Magkakasosyo sa segunda puwesto sina Koreans Jung Jaehyun, Wang Jeunghun, Kim Minkyu at Ham Jengwoo pati na sina Rattanon Wannasrichan at Sarit Suwannarut ng Thailand bitbit ang 272.
Tinangkang humabol ng mga pambato ng Pinas na sina Justin Quiban at Sean Ramos matapos lumapit sa hanggang anim na strokes.
Subalit higante ang bentahe ni Song upang magkasya sila sa ika-8 at ika-18 puwesto sa 273 at 276 na iskor, ayon sa pagkakasunod.
Ito na ang pinakamataas para sa mga Pinoy golfers matapos masibak sa 144 cut ang Philippine Golf Tour No. 1 at dating Philippine Open champion na si Angelo Que dagdag pa ang left hand injury ng Olympian na si Miguel Tabuena.
- Latest















