Lady Bulldogs swak sa SSL Final Four
MANILA, Philippines — Kinapitan ng defending champion National University ang matikas na laro ni Arah Panique upang lapain ang Letran, 25-18, 25-15, 23-25, 25-19, sa quarterfinals at makakuha ng puwesto sa Final Four ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup kahapon sa Muntinlupa Sports Center.
Kinamada ng beteranong winger na si Panique ang 15 points mula sa 11 kills at tig-dalawang blocks at service aces upang pahabain ng Lady Bulldogs ang kanilang unbeaten run sa walo at lumapit sa asam na five-peat sa pangunahing kompetisyon ng liga na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R&B Milk Tea.
Naghabol ng isang puntos, humataw ang NU ng 10-1 run upang agawin ang bentahe sa Letran sa inilistang 20-12 sa fourth set sa event na suportado ng Philippine Sports Commission, Commission on Higher Education, Mikasa, Asics, Rigour Technology, Jersey Haven, Solar Sports at 12 Beyond Production bilang technical partners.
Napigilan ng Lady Bulldogs ang huling pagtatangka ng Lady Knights na makabawi upang itakda ang isang knockout semifinals match laban sa mananalo sa quarterfinals rubber match sa pagitan ng Adamson University at University of the Philippines na kasalukuyan pang naglalaro habang isinusulat ang balitang ito.
Umiskor sina Vange Alinsug at Chams Maaya ng tig-siyam na puntos para sa Lady Bulldogs.
Samantala, umabante rin sa semifinals ang University of Santo Tomas matapos nilang pagpagin ang College of Saint Benilde, 25-17, 25-15, 25-13.
- Latest

















