Sen. Robin Padilla nagnegatibo sa drug test
MANILA, Philippines — Nagnegatibo sa five-panel urine drug test si Senador Robinhood Padilla at plano rin niyang sumailalim sa blood at hair follicle drug testing bilang pagpapakita ng kanyang paninindigan para sa transparency at accountability sa serbisyo publiko.
“Bilang pagsuporta sa direktibang inilabas ni DILG (Department of the Interior and Local Government) Secretary Jonvic Remulla at sinimulan ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Jeryll Harold Respicio, hindi dapat pagtalunan ng mga elected and appointed public officials ang pagpapa-drug test,” ani Padilla sa nakaraang post sa Facebook.
Kamakailan ay sumailalim si Respicio sa P28,000 drug test sa isang pribadong ospital matapos sabihin ni Remulla na nais niyang ipasuri ang bise alkalde matapos mag-viral ang pagpapakita niya ng matinding galit sa isang sesyon ng Sangguniang Bayan.
Matapos mag-negatibo sa ilegal na droga, hiniling ni Respicio kay Remulla na bayaran siya para sa “mahal” na komprehensibong pagsusuri.
Ipinakita sa drug test report ni Padilla na nag-negatibo siya sa cocaine, ecstasy, methamphetamine, opium, at tetrahydrocannabinol.
Balak pa rin ni Padilla na sumailalim sa blood at hair follicle deug testing bilang bahagi aniya ng transparency at accountability sa serbisyo publiko.
- Latest














